Brisa Amir

Unang bahagi (Part i)

Buhol-buhol ang kulay dilaw, kahel at dalandang pisi.
Malumanay ang sayaw ng pilas ng papel,
nagpapapansin sa maalikabok na hangin. 
Ang kalikasan raw ay supot ng gagamba
nambibihag ng estranghero
Nangaakit. Nananakit.

Kumukulo ang dilaw na tubig sa luntiang takure. 
Mistulang hinuhukay ang pisngi ng baliw na pintor. 
Sinasambit ang “kahapon”, “mahal” at “takot” sa isang pangungusap. 
Ang katotohanan ba ay mapagisa? nag-iisa? 
Nangangamba. Naghihingalo.

Gulo gulo ang tintang ipinatong sa bilog na luntian at kahel. 
Kung ano-ano ang pumapasok sa bunganga ng makatang hindi nabubusog
nananalig makakita sa dilim. 
Ang kadiliman raw ay mapangaraping mangingibig. 
Nasusunog. Nanatili.

Halo-halo ang mga natuyong pula, dalandan at kahel sa kartolina. Nagsisiping ang mga kubyertos, hinihintay  ang mga nangugulilang makasalanan. 
Ang kahalayan ba ang huling hantungan ng mga di mapakali? 
Napupunit, Nagpupuyat

Pangalawang Bahagi (Part ii)

Naliligaw ang mga baging sa Matahimik
nililigawan ang mga sulok ‘t naglalambiting mga himala
namumulaklak ng asul, ng kahel, ng rosas
      na mga kabuluhan.

Nakakulong sa mga salitang pang-wakas at usok
Binabagtas ang bawat kalye at kurba
Mula noo hanggang sakong, 
nahihimbing ang mga sanggumay sa daan
‘Pinapaalala ang kahulugan ng limon, ng dalandan, ng pandan, ng abo,
         ng mahal kita.

Nasisilaw ang buwan sa kotseng kubang nagpapahinga. 
nagpapalit kasi ng anyo ang usok sa lalamunan niya, nagiging baging
nagpapasikot-sikot, inilalahad ang mga di pa tapos na buod.
Umuusbong ang lila, ang luntian
     sa nagaanyong-lupang kaluluwa.

Namemeligro ang bulsa ng manlalako ng laman at halaman.
Tatalikuran ang pintura kapalit ng armas kapiling marahil ang isang magsasaka. 
Habambuhay marahil, 
magiging saksi sa pagniniig ng pintor sa angking kalikasan.
Habambuhay marahil,
kikilalanin ang berde, ang lila, ang mga bughaw, 
        ang hangin, ang sarili.

— Kali Ami Salome, Matahimik St.

Kali Ami
Acrylic, oil, ink, aerosol graphite on paper
53 x 39.5 in / 134.6 x 100.3 cm
2020
Paghimod ng Sanggumay (Licking an Orchid)
Acrylic, oil, ink, aerosol graphite on paper
45 x 38.5 in / 114.3 x 97.7 cm
2020